Home   General Info   Rediscovering Pitpitan   Government   Directory   Downloads Wika: Filipino | English
Schedule of Activities
 
 
 
 
Discovering Pitpitan
Mga Kwento ng Kasaysayan

 

 

 

Alamin ang Kasaysayan ng Barangay Pitpitan sa bago nitong Sagisag

 

1. Pagtatanim at Pangisdaan

Pangkaraniwan na sa mga logo o sagisag ng isang barangay ay ipinakikita kung ano ang pangunahing ikinabubuhay ng mga taga-rito. Tulad ng Pitpitan, palay at isda ang pangunahing produkto ng barangay at ang pagsasaka at pangisdaan ang pangunahing hanap-buhay ng mga taga-rito. Sa logo ay matutunghayan natin ang “abstract” na guhit ng mga nagtatanim at isang bunton ng giniikan na siyang sumisimbolo sa pagtatanim at guhit naman ng isang isda na animo’y nasa lambat ang sumasagisag sa pangingisda.

 

2. Simbahan at Prusisyon

Ang simbahan o kapilya na nasa larawan ay sumisimbolo hindi lamang sa relihiyong Katoliko kundi sa lahat ng relihiyon na nananahan sa Pitpitan. Ito ay sumasagisag sa pagka-maka-Diyos at pagka-Relihiyoso ng mga taga-Pitpitan mula pa noong unang dumating ang Kristyanismo sa bayan ng Bulakan. Ang Prusisyon ay sumisimbolo sa kultura, pagkakaisa at mga tradisyon na kinagisnan na ng mga taga-Pitpitan na nagsisilbi nang pamana ng kasaysayan.

 

3. Maso at Palihan

Ayon sa kwento ng mga matatanda, ang tawag na "Pitpitan" ay nagmula sa salitang "Pit-pit" na ang ibig nilang ipakahulugan ay nagpi-pit-pit ng bakal o nagpa-panday. Ayon sa kwento, ang pagpa-panday ay isa rin sa pangunahing hanap-buhay sa Pitpitan noon pa mang unang panahon. At sa pagdating ng mga kastila dito sa Bulacan noong 1572, kanilang naitanong sa mga taga-rito kung anong lugar ito at sinabi ng mga taga-rito na "Pit-pit" sa pag-aakalang ang itinatanong ay kung ano ang tawag sa ginagawang pag-papanday. Kaya't ito ay tinawag na Pit-pit at nang lumaon ay tinawag na "Pitpitan".

 

4. Larawan ni Hen. Gregorio H. Del Pilar at ang Siyete Musketeros De Pitpitan

Marahil marami ang magtatanong, "Bakit may larawan pa ni Gregorio? Ano ang kaugnayan ni Gregorio sa Pitpitan?"

Marahil ay lingid sa kaalaman ng marami na malaki ang kaugnayan ng Pitpitan kay Hen. Gregorio Del Pilar. Ang Pitpitan ay may sariling dahilan kung bakit dapat taglayin ng sagisag nito ang larawan ng magiting na Heneral. Kung mapapanood natin ang pelikulang "Tirad Pass" o kung mababasa natin ang ilan sa mga librong pangkasaysayan ng Bulakan, makikita natin na malaki pala ang naiambag ng Pitpitan sa kasaysayan at kalayaan ng ating Inang Bayan. Sabi nga ng marami, ang Bulakan ang "pugad ng mga bayani" at maaari nating sabihing ang Pitpitan ang "pugad ng Agila ng himagsikan". Ayon sa kasaysayan, 20 taong gulang si Gregorio Del Pilar at kasalukuyang mag-aaral sa Ateneo De Manila sa kursong "Bachelyer en Artes" ng umanib siya sa lihim na Katipunan gamit ang pangalang "Agila" na nilagdaan sa sariling dugo sa ilalim ng kanyang amain na si Deodato Arellano na siyang kauna-unahang supremo ng katipunan. Makalipas ang maikling panahon, dinakip ng mga kastila si Arellano habang si Del Pilar naman ay bumalik sa Bulakan upang tipunin ang kanyang mga kaibigan sa Pitpitan. At dito nga nabantog ang Pitpitan noong panahon ng himagsikan sapagkat dito nagmula ang isang grupo ng mga kabataang lalaki na sumapi sa Katipunan sa ilalim naman ni Hen. Eusebio Roque o "Maestrong Sebio" sa Kakarong Real sa Pandi. Ang grupo ay binubuo ng pito (7) magkakaibigan na pinamumunuan ni Gregorio Del Pilar na noon ay tinyente pa lamang. Ang grupo ay tinawag na "SIYETE MUSKETEROS DE PITPITAN" o "Seven Musketeers of Pitpitan" Dahil sa galing nila sa pakikipaglaban naging bantog ang kanilang pangalan sa buong Bulakan at sa bawat lugar na kanilang mapuntahan. Ang grupo ay binubuo nina:

Gregorio H. Del Pilar - bilang pinuno ng grupo
1. Julian H. Del Pilar - nakatatandang kapatid ni Gregorio at natatalang naging “Cabeza de Barangay” ng Pitpitan noong panahon niya.
2. Isidro Wenceslao
3. Juan Socorro
4. Adeodato Manahan
5. Juan Mendez Catindig
6. Felix De Jesus
7. Melencio Manahan

Naging saksi ang grupong ito sa mga mahahalagang tagpo sa kasaysayan tulad ng Biak na Bato Convention kung saan iniutos ni Del Pilar na dito sa Pitpitan itago ang mahahalagang armas ng mga sundalong Pilipino; ang Barasoain Congress at Philippine Independence ay pinaniniwalaan din na naging saksi sila. Nanguna ang grupo sa mga malalaking labanan sa kasaysayan ng himagsikan tulad ng labanan sa Kakarong; "Ang Pinagtambangan" na naganap sa Mambog; Ang Pagsalakay sa Paombong kung saan pagkatapos nito ay iginawad kay Del Pilar ang ranggo bilang Tinyente Coronel; Ang Bulakan Independence noong Hunyo 24, 1898 kung saan sumuko ang puwersang kastila sa bayan ng Bulakan sa ilalim ni Del Pilar sa ranggong Coronel at ang pinaka-masaklap na labanan sa Tirad Pass sa hangaring mailayo ang Pangulong Emilio F. Aguinaldo laban sa mga tumutugis na puwersang Amerikano noong Disyembre 2, 1899 sa pangunguna ni Hen. Gregorio H. Del Pilar bilang isa sa pinaka-mataas na Heneral ng Republika noong panahong iyon, kung saan sa labanan ding ito binawian ng buhay si Hen. Del Pilar sa edad na 24.

Ngunit nakalulungkot isipin na sa panahong tulad ng ngayon ay para bagang malaon nang nalimutan ng mga mamamayan ang kabayanihang ito ng mga taga-Pitpitan. Marahil ang karamihan sa mga taga-Pitpitan ay hindi alam ang kwento tungkol sa “Siyete Musketeros ng Pitpitan”, na may ganito pa lang klase ng mga bayani ang Pitpitan. At si Goyo, na sa kanya palang kabataan, masasabi nating ang kanyang puso ay malapit sa Pitpitan sapagkat dito nananahan ang kanyang angkan at matatalik na kaibigan. Na minsan sa kasaysayan, marahil, ang batang si Goyo at ang kanyang mga kaibigan ay naglaro ng taguan at habulan sa ilang lugar sa Pitpitan kung saan palaruan pa rin ngayon ng mga kasalukyang kabataan. Ngunit hindi alam ng mga kabataang ito na may mga bayani pala na minsan ay naglaro din sa kanilang palaruan. Tuwing sasapit ang todos los santos, daa’t-daanan lamang ng mga tao ang puntod ni Col. Julian Del Pilar sa Aksajo, ngunit may nakakaalam ba kung sino siya? At kung ano ang nagawa niya para sa bayan? Kaya't ang lahat ng ito ang dahilan kung bakit inilagay ang larawan ni Hen. Gregorio H. Del Pilar sa bagong sagisag ng Pitpitan, upang kahit sa maliit na paraang ito ay mabigyang pagkilala ang kabayanihan at katapangan ng mga Kabataan ng Pitpitan na nagbuwis ng buhay para sa ating kalayaan. Paraan din ito upang imulat ang lahat lalo na ang mga kabataan ng Pitpitan sa katotohanan na mahalaga ang buhay at ito ay dapat na inilalaan sa paglilingkod at pagmamahal sa Diyos, sa kapwa at sa bayan tulad ng ginawa ng mga bayaning ito noong panahon nila.

Malaking ambag ito ng Pitpitan sa kalayaan at bahagi ito ng kasaysayan na dapat lamang nating ipagmalaki at bilang mga taga-Pitpitan, dapat natin itong ipamana sa mga darating pang saling-lahi.

 

5. Salay ng Dahon ng Laurel

Ang dahon ng laurel ay simpleng sumisimbolo sa bagong pag-asa at sa patuloy pang pag-unlad ng Pitpitan at sa patuloy na paghahangad ng isang maayos at mapayapang pamayanan na may pagsunod sa batas, pagmamahal at takot sa Diyos at higit sa lahat, sa ilalim ng pagpapala ng Poong Maykapal.

Back top Top ^

 


 

Pinagmulan ng Pangalan ng Barangay

 

Ayon sa kasaysayan, ang Pitpitan ay isa sa mga nayon o barangay na nakatala sa mga "Libro de Bautismo" ng parokya ng Nuestra Señora dela Asuncion bilang tirahan ng mga nagpapabinyag sa simbahan. Kabilang dito ang mga nayon ng Dapdap (ngayon ay Sta. Ana), Balubad, San Nicolas at maging ang Aksaho na ngayon ay sakop ng Pitpitan. Sa makatuwid, ang Pitpitan ay kilala na bilang isang lugar noon pa man, marahil, bago pa man itatag ng mga kastila ang bayan ng Bulakan noong taong 1572 ay Pitpitan na ang tawag sa lugar na ito.

Ang kahulugan ng "pitpitan" ay "dikdikan" kung saan ang isang bagay ay binabayo o dinudurog. Ayon sa mga kwento ng matatanda at sa ilang librong pangkasaysayan, sinasabi na ang pinagmulan ng pangalan ng barangay Pitpitan ay ang "pagbabayo" ng bulak o kapok noong unang panahon - isang kwento na nahahawig sa pinagmulan ng "bulakan" kung saan ang "bulak" ay binabayo ng mga tagarito at siyang pangunahing punong-kahoy na matatagpuan sa buong lalawigan. Pitpitan din ang tawag sa lusong, isang malaking piraso ng punongkahoy na bayuhan ng palay. At may nagsasabi rin na noong panahon ng Kastila, ang isa sa pangunahing hanapbuhay ng mga tagarito ay ang pagpipitpit ng bakal o pagpapanday kung kaya't ang lugar ay tinawag na "pit-pit" at nang lumao'y tinawag na "pitpitan".

Back to Top ^

 


 

Ang Pitpitan at si Heneral Goyo

 

Malaki ang kaugnayan ng Pitpitan sa tinaguriang pinakabatang Heneral ng kauna-unahang Republika ng Pilipinas. Bagama't si Hen. Gregorio H. Del Pilar ay isinilang sa San Jose, Bulakan, naging malapit sa puso niya ang Pitpitan. Dito naririto ang kaniyang malalapit na kaibigan at ilang mga kamag-anak na nakasama niya sa pakikipaglaban.

Nag-aaral pa lamang si Goyo sa Ateneo nang sumiklab ang himagsikan. Umanib siya sa katipunan na may katawagang "Agila" sa harap ng kaniyang amain na si Deodato Arellano na siya ring kauna-unahang supremo ng katipunan. Hindi nagtagal ay dinakip ng mga kastila ang supremo at sa pagnanais ni Goyo na mailigtas ito ay nagpasya siyang umuwi sa Bulakan upang tipunin ang kaniyang mga kaibigan sa Pitpitan. At dito nabuo ang kauna-unahan niyang grupo, ang "Siete Musketeros de Pitpitan". bagama't nabigo silang iligtas ang supremo, hindi sila tumigil sa mas mataas na layunin, ang ipaglaban ang kalayaan ng bansa mula sa mga Kastila. Ayon sa ilang librong pangkasaysayan, dito rin madalas magpulong ang buong brigada ni Heneral del Pilar noong kainitan ng himagsikan. Noong panahon na lagdaan ang kasunduan sa Biak-na-Bato, iniutos ni Hen. Del Pilar sa mga sundalong Pilipino na ang mga sira at lumang armas lamang ang isusuko samantalang ang mga bago at matitinong armas ay dapat itago upang may magamit sila kung sakali na muling sisiklab ang labanan- ang mga armas na iyon ay iniutos na itago sa Pitpitan. May ilang paniniwala din na sa Pitpitan isinilang si Hen. Eusebio Roque (Maestrong Sebio) - ang magiting na bayani ng Republika de Kakarong de Sili sa Pandi. Sa pelikulang "Tirad Pass - The Life of Gen. Gregorio Del Pilar" na pinagbidahan ni Romnick Sarmenta bilang Gregorio at ni dating Gobernador Obet Pagdanganan bilang Supremo noong taong 1996, ang Pitpitan lamang ang tanging barangay na nabanggit sa pelikulang ito hindi lamang isa kundi apat na beses. Patunay lamang ito na ang Pitpitan ay isang makasaysayang nayon sa Bulacan at tunay na malapit sa puso ni Hen. Gregorio H. Del Pilar.

Sa diwang ito ay masasabi natin na kung "ang Bulacan ang pugad ng mga bayani", ang Pitpitan naman ang naging pugad ng Agila ng himagsikan.

 

Back to Top ^

 


 

Makasaysayang Pangyayari sa Nayon

 

1. Pagbabasbas ng Bomba ng Tubig.

Ang pagtatayo ng kauna-unahang estasyon o bomba ng tubig (NAWASA) sa bayan ng Bulakan noong 1964 ay maituturing na makasaysayang pangyayari hindi lamang sa nayon ng Pitpitan kundi sa buong bayan ng Bulakan. Ang makinang ito ang nagpapadaloy ng masaganang tubig sa mga kabahayan dito at sa mga karatig-nayon hanggang sa ngayon. Ang pagbabasbas nito ay dinaluhan ng ating kababayan at dating Senador Francisco Soc Rodrigo na siyang pangunahing nanguna upang maitayao ito. Kasama ang noon ay Alaklde ng Bulakan Artemio R. Meneses, Barrio Capt. Jose C. Salvador at iba pang mga kilalang mamamayan sa bayan ng Bulakan.

Sa kasalukuyan ang bomba ng tubig na ito ay pinangangasiwaan ng Bulakan Water District (BWD).

 

 

*Larawan: Ang pagbabasbas ng NAWASA kung saan nagsasalita ang ating kababayan at dating Senador Francisco Soc Rodrigo habang nakikinig ang mga panauhin at mga taga-nayon.

 

 

2. Barangay Election 1964.

Ang Barangay Election noong taong 1964 ay makasaysayan hindi lamang sa nayon ng Pitpitan kundi maging sa buong bansa sapagkat ito ang kauna-unahang pagkakataon kung saan ang Pinuno ng Barangay ay inihahalal. Sa kauna-unahang eleksyon na ito ay nanalo si G. Jose C. Salvador sa ilalim ng katawagang "Barrio Captain", ang kanyang panunugkulan ay nagtapos noong 1967 at muli siyang nahalal noong taong 1972 sa katawagang "Barangay Captain". Sa mga pangyayaring ito, si Kapitan Jose Salvador ang unang nakagamit ng mga katawagang "Barrio Captain" at "Barangay Captain" dito sa nayon ng Pitpitan.

Trivia: Makikita sa larawan ang mesang kahoy sa harapan ng mga nanunumpa. Ito pa rin ang mismong mesa na ginagamit ng kasalukuyang Sangguniang Barangay sa kanilang mga pagpupulong.

*Larawan: Ang panunumpa ng mga nahalal sa kauna-unahang Barangay Election na naganap noong 1964.

 

Kasabay ng Panunumpa ang pag-turn over o pagsasalin ng kapangyarihan sa pagitan ng dati at bagong Kapitan. Ang panunumpa at turn over na ito ay naganap sa loob ng lumang Barangay Hall at Health Center na noon ay ilang taon pa lamang naitatayo. Makikita sa larawan sina: (mula sa kaliwa) G. Trinidad na noon ay Kalihim ng Barangay, ang nanalong Barrio Captain, Jose Salvador, Alkalde Artemio Meneses, ang pinalitang kapitan Urbano Catindig at ang Ingat-Yaman noon na si G. Antonio Dionisio.

 

 

 

 

3. Kauna-unahang Pagtatapos sa Paaralang Elementarya.

Sa paglipas ng maraming taon, ang dating PAARALANG PRIMARYA NG PITPITAN ay naging isa nang PAARALANG ELEMENTARYA NG PITPITAN dahilan sa paglaki ng populasyon ng mag-aaral. Ang unang pagtatapos sa ika - VI na baitang o "First Graduation" ay naganap noong Marso 30, 1990 ng taong pampaaralan 1989 - 1990 sa pamamatnubay ni Gng. Enriqueta R. Tugaff, ang gurong namamahala sa paaralan.

Si Bb. Angelina R. Roque, tubong Pitpitan at dating mag-aaral at naging guro sa paaralang ito ang naging unang Panauhing Pandangal at Tagapagsalita sa pagtatapos na naganap.

 

4. Barangay Day 1992.

Noong Mayo 2 at 3, 1992 ay ipinagdiwang nang buong saya ng mga taga-Pitpitan ang Barangay Day sa pangunguna ni Punong Barangay Ricardo M. Carpio at mga Kagawad nito gayundin ng pamunuan ng iba't ibang sekta ng relihiyon sa barangay. Sama-samang ipinagdiwang ito sa buong barangay tulad ng isang malaking pista sa nayon, bagama't maraming sekta ng relihiyon at sambahan ang matatagpuan dito tulad ng: Bisita ng Katoliko, Aglipay, Kapilya ng Nagkakaisang Iglesia Metodista.

 

5. Barangay Election 1997.

Sa tagpo namang ito ay kauna-unahang nahalal ang Sangguniang Barangay nang walang paglalabang naganap dahil isang grupo lamang ang mga kandidato. Sila ay sina Punong Barangay Edgardo Manahan at mga Kagawad na sina Rolando Bairan, Carlito Salvador, Eugenio Agustin, Antonio Dimagiba, Mario Alipio at Leonardo Tenorio. Sa pagkakataon ding ito unang nahalal ang Punong Barangay sa dalawang magkasunod na taon (2 consecutive terms).

 

6. Barangay Election 2002.

Malimit sa isang pulitika ang hindi pagkakasundo at maging ang pag-aaway ng bawat kandidato. Dito sa Pitpitan, bago sumapit ang kampanyahan ay nagkaroon ng pagpupulong ang lahat ng kandidato sa barangay upang ipahayag ang pagkakaisa at upang iwasan ang pulitika at ang hindi pagkakasundo sa pagitan ng bawat grupo. Nagkasundo ang lahat na panatilihin ang magandang samahan at huwag mag-iwasan lalo na sa panahon ng kampanya. Nagkasundo rin na matapos ang araw ng halalan ay magtitipon-tipon ang lahat (panalo man o talo) upang linisin ang mga kalat na iniwan ng eleksyon partikular ang mga nakadikit na "campaign materials" sa mga poste at pader. Pagkatapos ng paglilinis ay nagkaroon ng isang pagsasalu-salo upang ipagdiwang ang isang magandang simulain sa barangay.

Makasaysayan ito sapagkat sa kauna-unahang pagkakataon ay naganap ito sa Pitpitan upang patunayan na ang pulitika at halalan ay isang araw lamang at ang pagsasama-sama ay panghabang panahon.

 

7. Pagpapatayo ng bagong Bulwagang Barangay.

Marahil ay pangarap ng kahit na sinong namumuno sa isang lugar tulad ng barangay na makapagpatayo ng isang tanggapan o bulwagan para sa kaniyang nasasakupan. At dahil ang dating Bulwagang Barangay ng Pitpitan ay sira na kung kaya't hangad ng pamunuan ng barangay na makapagpagawa ng bago at mas malaking "barangay hall".

Noong ika-14 ng Marso, 2005 ay natupad ang maituturing na pinakamalaking proyekto ng Pamahalaang Barangay sa kasaysayan ng Pitpitan, ang makapagpatayo ng dalawang palapag o "2 storey" na gusali na siyang magiging bagong tanggapan ng barangay sa pangunguna ni Punong Barangay, Kgg. Rolando R. Bairan, Sr. at ng kanyang mga kagawad. Marami ang nagtulong-tulong upang mapasimulan ang proyektong ito, mula sa mga pulitiko hanggang sa mga taga-Pitpitan na nagbahagi ng kanilang oras, panahon at kakayahan.

 

8. Barangay Election 2010.

Makasaysayang maituturing ang eleksyon na ito sapagkat dito, sa kauna-unahang pagkakataon ay nahalal ng ikatlong beses na magkakasunod ang Punong Barangay ng Pitpitan na si Kgg. Rolando R. Bairan, Sr.

 

9. Pasinaya sa bagong Bulwagang Barangay at Health Center.

Sa loob ng limang taon at sa ilalim ng magkasunod na panunungkulan ni Punong Barangay Rolando R. Bairan, Sr., ang pagtatayo ng bagong 2 storey Barangay Hall and Health Center ay matagumpay na naisagawa at pinasinayaan ito noong ika-25 ng Nobyembre, 2010. Dinaluhan ito ng mga opisyal ng bayan ng Bulakan sa pangunguna ni Punong Bayan, Kgg. Patrick Neil F. Meneses, Pangalawang Punong Bayan, Kgg. Alberto Bituin, mga kagawad ng Sangguniang Bayan, mga kawani ng Pamahalaang Bayan at mga opisyal mula sa iba't-ibang barangay sa bayan ng Bulakan at ng mga mamamayan ng Pitpitan. Ang pagbabasbas ng bulwagan ay pinangunahan ni Rdo. P. Fidel Raora, samantalang si Mayor Patrick ang nanguna sa paggupit ng ribbon at pag-aalis ng tabing sa "innauguration marker".

Kaugnay nito, isang kapasyahan ang ipinasa ng Sangguniang Barangay ng Pitpitan na nagtatalaga sa bagong barangay hall bilang "Gusaling Pang-alala kay Bgy. Captain Rina M. Manahan" bilang pagkilala sa kanyang mga naiambag sa nayon ng Pitpitan kabilang na dito ang donasyon ng lupang kinatatayuan ng Bulwagang Barangay at Health Center.

 

Back to Top ^

 


 

Mga Natatanging Kabarangay sa Kasaysayan

 

1. Kapitan Isidro B. Wenceslao (Maestrong Idong) - Isa sa Pitong Magigilas ng Pitpitan.

 

Isinilang noong Mayo 15, 1878, anak nina Daniel Wenceslao at Bernarda Bustamante. Nag-aral sa Ateneo de Manila at nagtapos ng Edukasyon sa Philippine Normal School. Nakasal kay Petra Catindig at nagkaroon sila ng supling, si Dra. Iluminada C. Wenceslao - Sumpaico. Nang magkaroon ng Rebolusyon noong 1896, sumapi siya sa Katipunan, Brigada ni Heneral Gregorio Del Pilar sa gulang na 17 taon. Isa siya sa Pitong (7) Magigiting ng Pitpitan at isa rin siya sa walong nakaligtas sa "Battle of Tirad Pass" noong 1899 kung saan nakitil ang buhay ng ating bayaning si Hen. Gregorio H. Del Pilar. Matapos ang himagsikan, siya ay nagturo sa Paaralan ng Guiguinto at Bulakan Elementary School, ngayon ay Paaralang Pang-alaala kay Hen. Gregorio Del Pilar. Naging Punong-guro rin siya sa paaralang ito. Naging Tagamasid Pampurok din siya sa Purok ng Bulacan at Bigaa - ngayo'y Bayan ng Balagtas. Binawian siya ng buhay noong Hulyo 19, 1975.

 

 

 

 

 

 

 

2. Ang Pitong Magigilas ng Pitpitan (The Seven Musketeers of Pitpitan).

Noong unang linggo ng Enero, 1896 isang pangkat ng mga kabataang lalaki na pawang taga-Pitpitan ang kusang loob na naghain ng kanilang paglilingkod kay Maestrong Sebio (Hen. Eusebio Roque) sa Kakarong de Sili sa Pandi. Si Maestrong Sebio ang tagapagtatag ng Unang Republika sa Kakarong ay isang mistikong lider ng Katipunan na sinasabing nagdarasal ng malakas sa gitna ng laban at walang anumang bala ng kalaban na yari sa España ang kikitil sa kanyang buhay.

Ang mga kabataang katipunero ay sina (1) Julian H. Del Pilar, nakatatandang kapatid ni Hen. Gregorio Del Pilar; (2) Juan Socorro, ang kaniyang bayaw; (3) Adeodato Manahan; (4) Juan Mendez Catindig; (5) Isidro Wenceslao; (6) Felix De Jesus; (7) Melencio Manahan. Ang kanilang lider at "D' Artaguan" ng grupo ay si Gregorio Del Pilar.

Sa Kakarong sila unang nakatikim ng "apoy sa pakikipaghamok". Sila rin ang nakasama ng kababayang si Anacleto Enriquez sa madugong labanan sa San Rafael.

Magkakasama silang sumalakay sa iba-ibang kuta ng mga Español sa Sta. Maria, Bigaa (Balagtas), Quinwa (Plaridel), Baliuag, Norzagaray at ang matagumpay na pagsalakay sa Paombong. Sila rin ang itinanghal na mga bayani sa sagupaan sa Montalban.

Sa Kakarong nadaplisan ng bala sa noo si Goyo, samantalang si Maestrong Idong naman ay natamaan sa kaliwang bisig. Si Juan Mendez Catindig ay napatay sa labanan. Sa makasaysayang sagupaan unang nataas ng ranggo si Goyo sa pagiging tenyente ng Katipunan. Nabuong muli ang grupo nang makasama si Gabriel Baltazar ng Tabang.

 

2. Jacinto G. Manahan - Lider Manggagawa at Manunulat.

Isa sa unang nagtatag ng komunista sa Pilipinas, si Jacinto Manahan ay isa ring manunulat at lider manggagawa. Ipinanganak sa Pitpitan noong taong 1894. Naging patnugot siya ng pahayagang "Liwanag" at nang lumao'y sumulat ng pahayagang "Titis" - pahayagang komunista sa Pilipinas. Noong 1917, itinatag niya ang Samahang Pagkakaisa ng Magsasaka. Noong 1922, itinatag niya at naging pangulo ng "Union de Aparceros de Filipinos" na lumao'y pinangalanang Kalipunang Pambansa ng mga Magbubukid. Bilang isa sa masugid na alagad ng Inang Wika, siya ang kauna-unahang Pilipino na nagtalumpati sa Wikang Tagalog sa isang pagtitipong pandaigdig na idinaos sa Frankfurt, Germany noong 1929. Siya ay naakit ni Pangulong Manuel L. Quezon at kapagdaka'y ipinadala sa Moscow upang sa pagbabalik ay sumailalim sa simulaing demokrasya. Siya'y namatay noong Setyembre 16, 1943 sa kaniyang nayong tinubuan.

 

3. Cornelio Dalistan - Makata, Kuwentista, Mambibigkas at Mangangalakal.

Naging tanyag sa pagiging mahusay na mambibigkas ng tula. Kinikilala rin sa pakikipagtalastasan at pagpuputong ng korona ng mga napipiling reyna sa mga patimpalak kagandahan (beauty pageant).

 

4. Edilberto Parulan - Balagtasan Awardee noong 1977.

Ang kaniyang ina na si Teodora Roque ay tubong Pitpitan.




 

Back to Top ^

 


 

Mga Katutubong Kaugalian sa Nayon

 

1. Palusong (Bayanihan).

Ang Bayanihan ay kilalang bahagi ng kultura at magandang kaugalian ng mga Pilipino, ito ay pagtutulungan sa mga gawain tulad ng pagbubungkal ng lupa, pagtatanim at pagtatayo ng bahay. Dito sa Pitpitan ay umiiral pa rin sa kasalukuyan ang ganitong kaugalian.

 

2. Reunion.

Ito ay ang pagsasama-sama at pagsasalu-salo ng magkakamag-anak upang magkakila-kilala at tumibay ang samahan. Dito sa Pitpitan, karaniwang ginagawa kapag bakasyon sa paaralan tulad ng mga buwan ng Abril at Mayo, kung minsan naman ay tinatapat sa kaarawan ng isang miyembro ng pamilya. Sagana sa mga pagkain at inumin ang pagdiriwang na ito, kung minsan ay may kani-kanyang dalang pagkain ang bawat pamilya na kabahagi rito.

 

3. Pamanhikan / Disposoryo / Panluluhod.

Sinasayawan sa madaling araw ang babaing pinamamanhikan at ikakasal ng mananayaw na may hawak na larawan ng Poon. Matapos ang kasalan ay nanluluhod sa mga Ninong at Ninang at matatandang kamag-anak ang mga ikinasal.

Ngunit sa kasalukuyan, hindi ginagawa ang pagsasayaw. Simpleng pamamanhikan na lamang ang nagaganap. Magtutungo sa tahanan ng babae ang pamilya ng lalaki upang "hingin ang kamay" o hingin ang basbas ng mga magulang ng babae sa gagawing pagpapakasal. Karaniwang nagdadala ng pagkain ang pamilya ng lalaki sa pamilya ng babae upang pagsalu-saluhan. Matapos ang kasal, nagkakaroon pa rin ng mga panluluhod sa mga Ninong, Ninang at mga kamag-anak.

 

4. Abuluyan / Lamayan / Parasal.

Ang pagdadamayan ng mga magkaka-nayon ay naipadarama sa isa't isa sa pamamagitan ng pagbibigayan ng abuloy o ambag, pakikipagpuyatan sa lamayan at pakikiisa sa parasal sa panahon ng pagluluksa ng mga naulila.

Sa mga lamayan ay may nagdadalit o kaya'y rosario kantada. Mayroon ding nangingilak ng pera o bigas sa buong nayon para sa namatayan at nagkakaroon ng siyam na araw na parasal para sa kaluluwa ng yumao.

Matapos naman ang apatnapung araw, nagkakaroon pa rin ng parasal. Sa ika - 1 taon ng pagkamatay ay ganoon din at taun-taun tuwing sasapit ang anibersaryo ng kamatayan ay nakaugalian na ang pagpaparasal para sa kaluluwa ng yumao.

 

5. Pagtatakip ng Salaming Malapit sa Kabaong.

Hindi lamang sa Pitpitan kundi sa halos lahat ng sulok ng Pilipinas ay ginagawa ang kaugaliang ito. Kapag may naka-burol, tinatakpan ang salamin na malapit sa kabaong o halos lahat ng salamin sa kabahayan sa paniniwalang kapag natapat dito at ang kaluluwa ng yumao ay makukulong ito at mananatili na lamang sa loob ng salamin na maaaring maging dahilan ng pagpapakita nito.

 

6. Paghahakbang ng mga Bata sa Kabaong.

Isa pang kinaugalian kapag may namamatay ay ang paghahakbang ng mga bata sa kabaong bago ito ihatid sa huling hantungan. Ginagawa ito dahil upang hindi umano dalawin ng namatay ang mga bata.

Back to Top ^

 


 

Mga Pagdiriwang sa Nayon

 

1. Mahal na Araw (Holy Week / Lenten Season).

Matagal nang bahagi ng kulturang Pilipino at ng pananampalatayang katoliko dito sa Pitpitan at maging sa buong bansa ang Mahal na Araw, ito ay ang paggunita sa Pagpapakasakit, Kamatayan at Muling Pagkabuhay ng ating Panginoong Hesukristo. Kilala ang mga Pilipino sa pagdiriwang ng mga mahahalagang okasyon na umaabot ng maraming araw. Tulad ng Pasko na pinaghahandaan sa pagsapit pa lamang ng buwan ng Setyembre. Ang Mahal na Araw naman ay ginugunita pagsapit pa lamang ng Miyerkules ng Abo (Ash Wednesday). Simula sa araw na ito, marami nang bisita (chapel) ang nagsasagawa ng pagbasa ng pasyon.

Ang aklat ng Pasyong Mahal ay isang patulang salaysay na sinasaliwan ng tugtugin. Ang pasyon ay may apat na bersiyon at ang pinaka-bantog dito ay ang isinulat ni Padre Mariano Pilapil (isa ring taga-Bulakan, Bulacan) noong 1814 na siyang binabasa hanggang sa kasalukuyan. Ang pasyon ay naglalaman ng mga versikulo ng Biblia mula sa aklat ng Genesis hanggang sa mga unang kasaysayan ng Simbahang Katoliko. Dito sa Pitpitan, karaniwang sinisimulan ang pabasa sa Araw ng Palaspas (Palm Sunday) o tinatawag sa wikang español na "Domingo de Ramos" hanggang Biyernes Santo.

Sa Pitpitan ay may dalawang sambahan na nagdiriwang ng Mahal na Araw, ito ay ang magkatapat na Bisitang Katoliko at Bisitang Aglipay. Taun-taun ay pinupuntahan ito ng mga taga-rito upang bumasa ng pasyon, ang iba namang bumabasa ay galing pa sa ibang lugar. May mga pagkaing inihahanda ang "sponsor" ng pabasa para sa mga tao. May mga ilang taga-malayo rin na nagtutungo rito upang magdasal na kung tawagin ay "bisita iglesya". At dahil ang dalawang bisitang ito ay matatagpuan sa mismong "provincial road" kung kaya't daanan ito ng mga nagpipinitensya at nagpapasan ng krus kabilang na ang tinatawag na "dakip" na inaabangan naman ng maraming tagarito.

 

2. Pasko ng Pagkabuhay (Easter).

Maituturing na ang Pasko ng Pagkabuhay ay isa sa pinaka-malaking pagdiriwang na nagaganap sa Pitpitan at maituturing na isa rin ang okasyong ito sa pinakamalaking pagdiriwang na nagaganap sa bayan ng Bulakan.

Simula pa noong panahon ng kastila ay ginagawa na ang pagdiriwang na ito sa Pilipinas. Ang Pasko ng Pagkabuhay ang siyang lundo ng ginagawang paggunita sa Mahal na Araw o ang Pagpapakasakit ng ating Panginoong Hesukristo. Pagsapit ng madaling araw ng Linggo ng Pagkabuhay ay isinasagawa ang prusisyon mula sa bisita ng Pitpitan hanggang sa simbahan sa kabayanan. Nilalahukan ito ng daan-daang mananampalataya mula sa iba't-ibang nayon ng Bulakan - dala ang kani-kanilang mga kandila upang ilawan ang Mahal na Poong Pagkabuhay. Ang prusisyon ay sinasaliwan ng banda ng musiko habang ang mga mananampalataya ay nagdarasal ng rosaryo.

Pagdating ng prusisyon sa may kabayanan ay naka-abang na roon ang imahen ng Mahal na Birhen Maria kasama ang iba pang imahen ng mga alagad ni Hesus na nabanggit sa Biblia na naging saksi sa muli niyang pagkabuhay. Dito nagaganap ang tanyag na "salubong" na sa bawat parokya dito sa Pilipians ay ginagawa. Aalisin ng anghel ang belo ng Mahal na Birhen habang kaharap nito ang imahen ng Pagkabuhay - waring sinalubong si Kristo ng Mahal na Ina sa kanyang muling pagkabuhay.

Matapos ang salubong ay magtutungo na ang prusisyon sa loob ng simbahan upang magdiwang ng Banal na Misa. Matapos ang misa ay nakaugalian na ng mga tao na kuhanin ang mga bulaklak na nasa paanan ng imahen ng Pagkabuhay,sa paniniwala na ang mga bulaklak na ito ay may bendisyon mula sa Panginoon. Ang imahen ng Pagkabuhay ay mananatili sa simbahan hanggang sa sumapit ang pagdiriwang ng Pag-akyat.

Ang pagdiriwang na ito ay pinamamahalaan ng Pamunuan ng Katandaan at Kabataan o mas kilala ngayon sa tawag na Sub-Parish Pastoral Council (SPPC) ng Bisita ni Sto. Tomas dito sa Pitpitan.

 

3. Pag-akyat (Lord's Ascension).

Matapos ang apatnapung araw makaraang ipagdiwang ang Pasko ng Pagkabuhay, ang susunod naman ay ang paggunita sa Pag-akyat sa langit ng ating Panginoong Hesukristo. Tulad ng Pasko ng Pagkabuhay, isa rin ito sa maituturing na pinakamalaking pagdiriwang sa bayan ng Bulakan at sa nayon ng Pitpitan. Ang pagdiriwang na ito ay nilalahukan ng mga deboto, mananayaw mula sa iba't ibang barangay sa Bulakan, mga kabataan, katandaan, maging mga maliliit na bata ay sumasama rito. Ito ay isang "street dancing procession" kung saan sinasayawan ang imahen ni Hesukristo sa saliw ng banda ng musiko. Inaabot ng humigit-kumulang sa 4 na oras ang itinatagal ng prusisyon mula sa simbahan sa kabayanan hanggang sa bisita ng Pitpitan dahil sa pabalik-balik na indak ng pagsasayaw.

Pagdating ng prusisyon sa Pitpitan ay kasunod namang ginaganap ang Banal na Misa. Sa dakong hapon naman kung minsan ay nagkakaroon ng mga palaro para sa mga bata at sagala ng mga bata na nakasakay sa sidecar kung ang pag-akyat ay kasabay ng pagdiriwang ng Santa Krusan.

 

4. Santa Krusan / Flores de Mayo.

Isa pa sa kilalang bahagi ng ating kultura at pananampalataya ang Santa Krusan kung saan ginugunita rito ang isang bahagi ng kasaysayan ng Simbahang Katoliko, ito ay ang matagumpay na pagkakatuklas ni Reyna Elena sa Krus ni Hesus. Dito sa Pitpitan, kadalasang ipinagdiriwang ito kasabay ng Pag-akyat (sapagkat karaniwang sa buwan din ng Mayo natatapat ang Pag-akyat). Sa pagdiriwang na ito ay inilalabas ang imahen ng Krus at ng Mahal na Birhen upang iprusisyon kasabay ng sagala o mga naggagandahang dilag at magigilas na konsorte na nakasuot ng magagarang damit, karaniwa'y baro't saya sa mga babae at barong sa mga lalaki. Pagandahan rin ng kubol at pailaw ang bawat sagalang ito.

Sa ibang pagkakataon naman ito ay tinatawag na Flores de Mayo o ang pag-aalay ng bulaklak sa Mahal na Birheng Maria sa buong buwan ng Mayo. Nagkakaroon din ng prusisyon ng imahen ng Mahal na Ina sa loob ng siyam na gabi gamit ang mga sulo bilang mga ilaw at sa ika-sampung araw ginaganap ang isang malaking prusisyon kasama ang mga sagala.

 

5. Kapistahan ni Sto. Tomas De Villanueva - Setyembre 22.

Ito ay ginaganap tuwing ika - 22 ng Setyembre ng bawat taon. Ito ay ang araw ni Sto. Tomas De Villanueva, ang patron ng nayon. Siyam (9) na gabi bago ang kapistahan ay nagkakaroon ng Misa bilang pagsisiyam para sa banal na patron. Sa mismong araw ng kapistahan naman ay nagkakaroon ng 2 hanggang 3 misa sa loob ng maghapon at prusisyon sa umaga at kung minsan ay mayroon pa rin sa gabi. Kung minsan ay nagdaraos ng iba't-ibang programa sa pangunguna ng iba't ibang samahan ng mga kabataan kaugnay ng kapistahang ito tulad ng "Battle of the Bands" at "Amateur Singing Contest".

Walang nasusulat kung kailan nagsimula ang pagdiriwang ng kapistahan ni Sto. Tomas de Villanueva at kung kailan siya ginawang patron ng Pitpitan ngunit malaki ang paniniwala na ito ay ipinagdiriwang na noon pa mang panahon ng mga kastila.

 

6. Undas (All Saints Day) - Nobyembre 1.

Ang "undas" o "todos los santos" ay ginugunita sa kahit saang sulok ng bansa ngunit dahil ang Pitpitan ay may sariling sementeryo, maituturing na rin na isa ito sa mga kaganapan na taun-taon ay pinaghahandaan ng mga tagarito.

Maaga pa lamang ay nagtutungo na sa sementeryo ang mga tao upang magtirik ng kandila, mag-alay ng bulaklak at magdasal para sa kanilang mga mahal sa buhay na namayapa na. Tulad sa ibang lugar, nagiging parang "reunion" na rin ang araw na ito para sa mga magkakamag-anak na minsan lamang magkita-kita.

 

7. Pasko at Bagong Taon

Dito sa Pitpitan ay masiglang ipinagdiriwang ang Kapaskuhan. Simula ika-15 hanggang ika-24 ng Disyembre ay ginaganap ang Simbang Gabi sa bisitang Katoliko samantalang ang Nagkakaisang Iglesia Metodista naman ay nagsasagawa rin ng ganitong paggunita. Sa bisita naman ng Aglipay ay nagkakaroon ng misa tuwing gabi ng ika-24 at ika-31 ng Disyembre. Tulad ng nakaugalian, nagdiriwang pa rin ng "noche buena" ang marami sa mga tagarito tuwing bisperas ng Pasko. Marami ang nagluluto at naghahanda ng iba't ibang putahe para sa kanilang pamilya at mga kamag-anak na bibisita sa araw ng pasko. Pagsapit ng mismong araw ng Kapaskuhan, maaga pa lamang ay nakahanda na ang bawat mag-anak upang magmano sa mga nakatatanda, ninong at ninang at iba pang malalapit na kamag-anak.

Sa pagsalubong naman ng Bagong Taon ay nagkakaroon pa rin ng mga handa para sa "media noche". Ang magkakapit-bahay ay naglilipatan o nagbibigayan ng kani-kaniyang handa at sa pagsapit ng alas dose ng hatinggabi ang lahat ay masayang sinasalubong ang bagong taon sapamamagitan ng pag-ihip ng torotot, mga paputok at pailaw at ang pagkaladkad ng maiingay na bagay sa kalsada tulad ng lata at yero.

Back to Top ^

 


 

Kasaysayan ng Paaralang Barangay

 

Ang edukasyon ay ang pangunahing pundasyon ng tagumpay ng isang tao. Gaanuman kahirap, ang makapag-aral pa rin ang siyang maituturing na pinakamahalagang parte ng buhay. Nagsimula ang pagkakaroon ng paaralan sa Pitpitan noong bago ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ang klase ay ginagawa sa isang maliit na kubo sa Sitio Libo at si Bb. Emilia De Jesus ang guro noon. Nagsimula ang klase sa unang baitang at nasundan ng pagkakaroon ng ikalawa at ikatlong baitang. Ang mga mag-aaral ay lumilipat sa karatig nayon ng San Nicolas upang tapusin ang ika-apat hanggang sa ika-anim na baitang. Noong panahon ng mga hapon, natigil ang mga klase at muling nagsimula matapos ang digmaan. Si Bb. Rosa B. Agustin ang naging guro hanggang sa taong 1965 kung saan ang mga klase ay inilipat sa matandang bahay ni Col. Julian H. Del Pilar, nakatatandang kapatid ni Hen. Gregorio H. Del Pilar.

Isang pilantropo na nagngangalang Don Anselmo Hilario ang nagbigay ng isang bahagi ng lupa na may sukat na limang libo metro kuwadrado (5000 sq.m.) kung saan ang unang dalawang silid-aralan ay naipatayo. Ang lupang iyon ang siyang kinatatayuan ng paaralan hanggang sa kasalukuyan. Mayroong dalawang guro noon, sina Bb. Rosa B. Agustin na siyang nagtuturo sa mga mag-aaral sa una at ikalawang baitang at si Gng. Guillerma Serna para sa mga mag-aaral ng ikatlo at ika-apat na baitang.

Mula sa pagiging primarya ito ay naging Paaralang Elementarya noong 1988. Ang kauna-unahang pagtatapos ay ginanap noong Marso 30, 1990.

Narito ang mga naging guro at gurong tagapamahala ng paaralan:

Pre-war Period
Bb. Emilia De Jesus

Liberation Period
Bb. Rosa B. Agustin

1965 - 1974
Gng. Dolores Fajardo

1974 - 1979
Bb.. Julita Morelos

1979 - 1980
G. Isidro Isidro - OIC

1980 - 1984
Gng. Rebecca B. Coronel

1984 - 1988
Bb. Cynthia C. Carlos

1988 - 1989
G. Rolando G. Cruz

1989 - 1990
Gng. Enriqueta R. Tugaff

1990 - 1991
Bb. Conchita M. Salvador - OIC

1991 - 1997
Gng. Enriqueta R. Tugaff

1997 - 1999
Gng. Flordeliza R. Evangelista

1999 - 2004
Gng. Erlinda D. Franco

2004 - Present
G. Alipio L. Salvador

Back to Top ^

 


 

Si Lolo Tomas

 

A. Isang Kuwento ng Himala.

Kung mayroong maituturing na pinakamatandang naninirahan sa Pitpitan, iyon ay walang iba kundi si Lolo Tomas o si Sto. Tomas De Villanueva, ang pintakasi o patron ng Pitpitan. Nagisnan na ng maraming saling-lahi ang bisita ni Sto. Tomas at maging ang imahen niya na nakasuot ng damit pang-Arsobispo at may hawak na limos para sa dalawang pulubi. Alam ba ninyo na sa kabila nito ay mayroong nakatagong kuwento? Kuwento na iilan lamang ang nakakaalam... Isang kuwento ng himala.

Ayon sa kwento, may isang babae na naninirahan noon sa gitna ng bukidsa may latian.Isang araw, habang ang babae ay namimilipit sa sakit ng tiyan, may isang matandang lalaki na dumating sa kanyang kubo at nagpakilalang namimili ng kalabaw. Tinanong umano ng matandang lalaki ang babae kung ano ang kalagayan nito at sinabi ng babae na masakit ang kanyang tiyan. Dagli ay humingi ng isang basong tubig ang matandang lalaki at isinahok dito ang isang tangkay na bulaklak na yari sa papel. Pagkatapos ay ipinainom ito sa babae at ito ay gumaling. Naitanong ng babae sa matanda kung saan ba siya nakatira at ang sabi ng lalaki ay "sa Pitpitan, ang bahay ko ay sira-sira sa tabi ng imburnal at natutumbok ng kalsada". Lumipas ang ilang linggo at nagtungo sa Pitpitan ang babae upang magpasalamat sa matandang nagpagaling sa kanya. Nang dumating ang babae sa Pitpitan, nakapagtanong siya at nagpasama kay Bb. Nenita Rubio na kilala sa tawag na "Neneng Taba" upang hanapin ang kinaroroonan ng bahay ng matandang lalaki. Nalibot nila ang buong nayon ngunit wala silang nakitang bahay na tumutugma sa sinabi ng matandang lalaki maliban sa bisitang Katoliko. Ang bisita ay nasa tabi ng patubig o imburnal at natutumbok ng kalsada ng Tabang at noong panahon na iyon ang bisita ay sira-sira dahil sa kalumaan nito.Pumasok sila sa loob ng bisita at bigla na lamang tumangis ang babae ng makita niya ang imahen ni Sto. Tomas at sinabi niya na iyon ang itsura ng matandang lalaki na nagpagaling sa kanya. Noong panahon ding iyon, dala ng kalumaan ng imahen ay mayroon itong mga puti sa parteng binti dahil sa pagkabakbak ng pintura nito. Ayon sa babae ay mayroon ding puti sa binti ang matanda gayundin ang bulaklak na isinahok sa tubig ay katulad ng mga bulaklak na papel na nakalagay sa paanan ng imahen.

Matagal na ninais ng May-akda na makapanayam si Nanang Nene at noong Oktubre 1998, ilang taon bago siya pumanaw, sa isang kasalan ay naitanong sa kanya ng May-akda ang tungkol sa himalang ito at gayun nga ang kanyang sinabi.Ayon sa kanya ito ay naganap noong dekada sisenta.

Walang derektang makapagsasabi na naghimala nga ang imahen ni Sto. Tomas.Wala na ring iba pang kwento ang lumabas at naitala maliban dito. Ngunit malinaw na ang imaheng ito ay naglalarawan ng buhay ng santong si Tomas at malinaw ang mensahe na ang imaheng ito ay hindi lamang isang larawan kundi isa ring paalaala na ang bawat isa sa atin ay may gampanin sa ating kapwa at sa Diyos tulad ng ginawa ni Sto. Tomas noong siya ay nabubuhay pa.

 

 

B. Si Sto. Tomas at ang kanyang Bisita.


Walang natatalang petsa kung kailan at paano naitalaga si Sto. Tomas bilang patron ng nayon ngunit kung ating pag-uugnayin ang kasaysayan, marahil ay panahon pa ng kastila nang maitalaga siya bilang patron ng Pitpitan. Sapagkat ayon sa kasaysayan ang bayan ng Bulakan ay itinatag ng mga paring Agustino kaya't hindi malayo para sa mga paring ito na kapwa rin nila Agustino ang italaga nilang patron sa ilang mga lugar sa Bulakan tulad nina Sto. Tomas at San Nicolas de Tolentino na patron naman ng Bgy. San Nicolas na karatig lamang ng Pitpitan. Wala ring naitala kung kailan naipatayo ang unang bisita sa Pitpitan ngunit pinaniniwalaan din na panahon pa ng mga kastila naipatayo ito dahil sa malalaking bato o adobe na ginamit sa mga pundasyon.


Dahil sa kalumaan ng bisita kung kaya't noong dekada '70 ay pinagtulung-tulungan itong tibagin ng mga taga-nayon sa pangunguna ng pamunuan ng katandaan at kabataan upang makapagpatayo ng panibagong bahay-dalanginan. Mula noong taong 1976 hanggang sa kasalukuyan ay regular na nagdaraos ng misa sa bisitang ito tuwing Sabado ng hapon. Sa bisita ring ito nagmumula ang prusisyon ng Pagkabuhay at dito rin ang hantungan ng prusisyon ng Pag-akyat. Makaraan ang halos 3 dekada, ang naipatayong bisita ay nagkaroon na rin ng mga sira at dahil na rin sa may kaliitan ito kung kaya't ninais na muli ng pamunuan ng katandaan at kabataan na makapagpatayo ng bago at mas malaking bisita. Mula sa tulong ng iba't-ibang sektor, kabilang ang mga pulitiko at ilang pribadong tao kung kaya't ito ay naisakatuparan noong taong 2010. At sa pagdaan ng mga araw ay umaasa ang mga katoliko sa Pitpitan na unti-unti ay matatapos ng husto ang bagong bisita ni Sto. Tomas de Villanueva.


*Ang larawang makikita sa itaas ay ang larawan ng bisita na ipinatayo matapos ang pagtibag sa lumang bisita noong dekada '70. Isang malaking panghihinayang para sa Barangay Pitpitan Information Technology Center na sa pagsasaliksik nito ay wala nang nakuhang larawan ng naunang bisita upang maibahagi man lamang sana sa website na ito. Kaya't nananawagan ang BPITC sa sinumang may iniingatan pang larawan ng lumang bisita ng Pitpitan na ibahagi sana ito upang maipreserba. Ang mga bagay na tulad nito ay bahagi ng mayamang kasaysayan ng Pitpitan na maipapamana sa mga darating pang henerasyon.

 

C. Maikling Talambuhay ni Arsobispo Tomas Garcia y Martinez, OSA


Si Tomas Garcia y Martinez o mas kilala natin bilang si Sto. Tomas De Villanueva ay ipinanganak sa Villanueva de los Infantes sa probinsya ng Ciudad Real sa bansang Espanya noong taong 1488. Isa siyang mangangaral, asetiko, manunulat, at paring Agustino o kaanib ng Order of Saint Augustine. Ang kaniyang mga magulang ay sina Alonso Tomas Garcia na mula sa Villanueva de los Infantes at si Lucia Martinez Castellanos na mula naman sa Fuen-Llana, isa ring bayan sa Cuidad Real na siyang kabisera noon ng bansang Espanya. Si Tomas ay lumaki at nag-aral sa Villanueva de los Infantes, bagama't may kaya sa buhay ang kaniyang pamilya, si Tomas ay nanatiling simple at mapagmahal sa mga mahihirap.


Siya ay nag-aral ng Sining at Teolohiya sa Unibersidad ng Alcala de Henares at naging propesor doon. Noong taong 1516, nagpasiya siya na pumasok sa Augustinian Order sa Salamanca at noong taong 1518 ay naordenahan siya bilang pari. Sa loob ng order ni San Agustin ay hinawakan niya ang mga posisyon bilang Tagapamahala ng Seminaryo, Bisita Heneral at Provincial Prior sa Andalusia at Castile sa Espanya. Naging propesor sa unibersidad at naging tagapayo at kompesor ng Hari ng Espanya at Emperador ng Roma na si Carlos V.


Kilala si Tomas sa kanyang pagmamahal sa mga mahihirap, katunayan, ipinagbili niya ang kaniyang hinihigaang banig upang ibigay sa mga ito ang napagbilan. Binansagan siyang “almsgiver:, “model of bishops”, at “Father of the Poor” dahil sa kanyang katangiang ito. Sinasabing tuwing umaga ay dagsa sa pintuan ng kumbento ang mga humihingi sa kanya ng tulong at ang mga ito ay kaniyang pinapakain at nililimusan. Kilala rin siya sa pagiging isang deboto sa Mahal na Birheng Maria.


Inialok sa kanya noong 1542 ang pagiging obispo ng Granada ngunit ito ay kaniyang tinanggihan. Noong 1544 ay inialok sa kanya ang pagiging Arsobispo ng Valencia at ito ay kaniyang tinanggap. Nagtayo siya ng seminaryo at nagpatupad ng mga magagandang programa sa kaniyang nasasakupan.


Si Tomas ay nagkaroon ng malubhang sakit at sa edad na 67, sa araw ng kapistahan ng kapanganakan ng Mahal na Birheng Maria, Setyembre 8, 1555 ay binawian siya ng buhay. Makaraan ang 30 taon matapos siyang pumanaw, hinukay ang kaniyang labi at nakitang ito ay buong buo pa. Noong ika-7 ng Oktubre, 1618 ay biniatifica si Tomas ni Papa Pablo V at noong Nobyembre 1, 1658 ay kinanonisa ni Papa Alejandro VII si Tomas upang gawing isang ganap na santo. Ang kaniyang kapistahan ay itinalaga tuwing ika-22 ng Setyembre.


Mula nang maging isang santo si Tomas, marami nang mga parokya at mga paaralan ang ipinangalan sa kanya hindi lamang sa Espanya ngunit maging dito sa Pilipinas, sa Estados Unidos at sa iba pang mga bansa.

 

 

* Ang larawang ito ng imahen ni Sto. Tomas de Villanueva ay sadyang ipinadala para sa barangay Pitpitan sa pamamagitan ng e-mail mula mismo sa Archdiocese ng Valencia sa bansang Espanya noong ika-14 ng Setyembre taong 2007. Ito ay matapos lumiham ang BPITC sa noo'y arsobispo ng Valencia na si Cardinal Agustín García-Gasco y Vicente, upang humingi ng ilang mahahalagang impormasyon tungkol sa buhay ng santo kaugnay sa nalalapit nitong kapistahan. Sumagot ang Cardinal sa pamamagitan ng Rector ng Colegio-Seminario de la Presentación (isang seminaryo na itinatag ni Sto. Tomas sa bayan ng Valencia) kalakip ang larawang ito.

Ang imahen ni Sto. Tomas na makikita sa larawan ay matatagpuan sa kaniyang bayan sa Villanova, Spain. Ayon sa ginawang pagsasaliksik ng BPITC, ang imahen na ito ni Sto. Tomas ang isa sa may pinakahawig sa tunay niyang wangis.

 

 

 

 

 

Back to Top ^

 
 
 
 
Mga Datos
Sattelite Image Map
Pitpitan sa Google Maps™
Mga Kwento ng Kasaysayan
Mga Kakanin at ibp.
Mga Lugar sa Barangay
Ang Galing ng taga-Pitpitan
Mga Opisyal at Kawani
Bisyon / Misyon
Citizen's Charter
Mga Dating Nanungkulan
Mga Negosyo
Mga Organisasyon
Sattelite Image Map
Citizen's Charter
Wallpapers New
 
Google
  This site only
FACEBOOK.COM/BGYPITPITAN

BPITC
  COPYRIGHT © 2004 - 2011    |    ABOUT BPITC    |    ABOUT THIS SITE    |    ABOUT THE AUTHOR