Si dating Konsehal Benee Garcia ay isinilang noong ika-30 ng Nobyembre, 1977. Ang kaniyang mga magulang at buong angkan ay taal na taga-Pitpitan. Naging kasapi ng iba't-ibang samahang pang-sibiko at relihiyon at isa sa pinaka-batang naging kagawad ng barangay. Naging opisyal siya ng barangay sa mga sumusunod na antas:
- Kagawad ng Sangguniang Kabataan: 1996 - 2002
- Kagawad ng Sangguniang Barangay: 2002 - 2007
- Chairman, Committee on Peace and Order
- Chairman, Committee on Communications and Transportations
- Vice Chairman, Committee on Finance and Appropriations
- Vice Chairman, Committee on Environment
- Representative of Pitpitan / Board Member, Samahan ng mga Barangay Kagawad sa Bulakan
- Kagawad ng Sangguniang Barangay: 2007 - 2010 (Re-elected)
- Chairman, Committee on Peace and Order (2007 - 2008)
- Chairman, Committee on Public Works (2008 - 2010)
- Chairman, Committee on Communications and Transportations
- Chairman, Committee on Human Rights
- Chairman, Committee on Ethics
- Vice Chairman, Committee on Finance
Isa si Kon. Benee sa may pinaka-maraming akda at naipasang Ordinansa at Kapasyahan sa loob ng kaniyang 8 taong panunungkulan bilang kagawad ng Sangguniang Barangay. Kasama ang buong Sangguniang Barangay 2002 - 2007, pinangunahan ni Kon. Benee ang pagsusulong sa kasalukuyang sagisag o logo ng barangay kung saan inilalarawan dito ang makulay at mayamang kultura at kasaysayan ng Pitpitan. Siya rin ang nagpanukala na maging "colored" ang mga Clearances at Certificates ng barangay na agad namang sinuportahan ng kaniyang mga kasamahan. Ang pagiging "colored" ng mga Clearances at Certificates na ito ay siyang kauna-unahan sa buong lalawigan kung saan hinahangaan ito maging sa ibang bayan kapag may mga seminars at pagtitipon ang mga barangay officials. Ang mga naturang Clearances at Certificates na si Kon. Benee mismo ang nag-desenyo ay ginagamit pa rin ng kasalukuyang administrasyon ng barangay. Si Kon. Benee rin ang nagsulong sa pagkakaroon ng Satellite Image Map sa barangay kung saan ang Pitpitan na naman ang tanging mayroon nito sa buong Bulakan samantalang iilan lamang sa buong bansa ang barangay na mayroon nito.
Si Kon. Benee bilang Chairman ng mga komiteng kaniyang hinawakan, kasama ang buong Sangguniang Barangay sa pangunguna ni Kap. Ato Bairan ay naisulong nila ang ilan sa mga proyektong may kaugnayan sa pangangalaga ng kaayusan at kapayapaan sa barangay tulad ng pagkakaroon ng 2-way radio communications at ng Tricycle Patrol para sa pagroronda ng mga Barangay Tanod. Bilang Chairman ng Public Works mula sa taong 2008 hanggang 2010, kasama pa rin ang buong Sangguniang Barangay at muli ay sa pangunguna ni Kap. Ato Bairan, naipatapos nila ang pagpapatayo ng bagong 2 palapag na Barangay Hall at Health Center. Ang paghawak ni Kon. Benee sa naturang komite ang kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng Sangguniang Barangay ng Pitpitan na ang Chairman ng Public Works ay nagsusumite ng "naka-guhit na plano" sa bawat proyekto sa halip na "estimates" lamang tulad sa mga nagdaang panahon. Si Kon. Benee rin ang nanguna sa mga pagsagot at pagtatanggol sa Sangguniang Barangay laban sa ilang mga maling sumbong at paratang na kinaharap nito na maayos namang napagtagumpayan. Bilang Chairman ng Committee on Communications and Transportations, siya ang may-akda ng Kapasyahan na kumikilala sa Pitpitan Sidecar Association bilang isang lehitimong samahan sa Pitpitan.
At si Kon. Benee ang nasa likod ng website na ito. Bilang isang proyekto sa ilalim ng kaniyang programang "Gamit ang Teknolohiya, Kabarangay ang Una!", sinimulan ang konseptong ito at nabigyang katuparan noong taong 2004 hanggang sa binuo niya ang Barangay Pitpitan Information Technology Center (BPITC) noong 2006. Layunin ni Kon. Benee at ng website na ito na ipakilala ang mayamang kultura at kasaysayan ng barangay Pitpitan at gamit ang Information Technology ay maisalin sa bago at darating pang henerasyon ang mga dakilang pamanang iyon. Hangad din niya na mapatibay pa ang ugnayan at pagkakaisa ng mga Pitpitaño saan mang sulok ng mundo at ang website na ito ay isang tulay upang maabot ang lahat ng kabarangay dito sa Pilipinas maging sa ibayong dagat. Sa diwang ito nabuo ang "main slogan" ng BPITC na "Connecting our Kabarangays Worldwide!". Sa pamamagitan ng website na ito ay nilalayon ding mabuksan sa mas malaking antas ng kalakalan ang Pitpitan para sa mga produkto at negosyong nananahan dito.
Si Kon. Benee rin at ang BPITC ang nakipagtulungan sa Pamahalaang Bayan ng Bulakan upang maisakatuparan ang kauna-unahang Municipal Website nito noong taong 2006 na proyekto ni dating Punong Bayan Maria Elizabeth Villegas gamit ang domain name na www.bulakanph.com.
Ilang beses na ring inalok si Kon. Benee upang tumakbo bilang Kagawad ng Sangguniang Bayan ngunit ito ay kaniyang tinanggihan. Noong nakaraang Barangay Election 2010, hindi na muling tumakbo si Kon. Benee na dapat sana'y ikatlong termino na niya kung sakali. Nang magtapos ang kaniyang termino sa mismong kaarawan niya noong Nobyembre 30, 2010 ay sinabi ni Kon. Benee na patuloy pa rin siyang naka-suporta sa barangay at sa bago nitong Sanggunian. Aniya, nakahanda pa rin siyang maglaan ng kaniyang panahon sa abot ng kaniyang makakaya sa ngalan ng paglilingkod sa Pitpitan. Ipinahayag rin niya na ang website na ito ay patuloy pa ring gagamitin ng barangay bilang Official Web Portal at ang kaniyang programang "Gamit ang Teknolohiya, Kabarangay ang Una!" ay nananatiling aktibo, gayundin, ang BPITC ay patuloy na maglilingkod sa barangay Pitpitan at sa mga mamamayan nito.
|